Babae, natagpuang patay sa Magat Dam

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 03:36 AM

Natagpuang duguan ang bangkay ng isang babae sa Baligatan Dike sa Magat Dam, Isabela Miyerkules ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Marites Manuel, 44 anyos, isang balo na taga-Rizaluna, Cordon, Isabela.

Ayon kay Virginina Marine na kasamahan ng biktima, huli itong nakitang buhay sa isang 4Ps meeting sa General Aguinaldo, Ramon, Isabela, Martes ng umaga.

“Para siyang problemado. May tawag nang tawag sa kanya. Tapos nauna nang umuwi nung natapos ang meeting. Hindi ko na alam kung saan siya nagpunta," ayon kay Marine.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsabi ang biktima sa anak nito na huwag nang susunduin pagkatapos ng meeting. 

“Ang tama niya sa forehead at sa likod ng kanyang ulo na pinaniniwalaan naming pinalo siya ng matigas na bagay o kahoy," ayon kay police Senior Inspector Jose Torrijos ng Ramon PNP.

Maaaring personal ang motibo sa pagpatay sa biktima dahil kumpleto umano ang gamit nito.

“Isang tinututukan naming anggulo dito ay iyung kanyang textmate na boyfriend niya siguro. Dini-disregard namin yung motibo ng pagnanakaw kasi intact yung pera niya, at saka yung cellphone niya andun,” dagdag pa ni Torrijos.

Isasailalim sa forensic examination sa Camp Crame ang narekober na cellphone ng biktima upang masuri ang lahat ng text na natanggap nito bago mangyari ang krimen.

Mayroon na ding iniimbestigahan ang pulisya na posibleng nasa likod ng pagpatay ngunit hindi muna pinangalanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.