6 mangingisda, ginulpi, pinatalon sa dagat ng mga armadong lalaki

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 06:58 PM | Updated as of Jul 21 2017 09:25 PM

Ginulpi at hinataw ng baril ng mga armadong lalaki ang anim na mangingisda saka sila pinatalon sa gitna ng dagat sa Nasugbu, Batangas noong Hulyo 17 ng gabi.

Matitinding pasa at sugat mula ulo hanggang paa ang tinamo ng piping mangingisda na si Danny Boy Cabahug matapos umano silang gulpihin at hatawin ng baril ng mga armadong lalaking humarang sa kanila sa dagat na sakop ng Barangay Papaya sa Nasugbu, Batangas.

Hirap naman sa paglalakad ang lolo niya na si Francisco Comendador. Iniinda rin ng mga kapatid at pinsan ni Danny Boy Cabahug ang sakit sa ulo at katawan.

Positibo nilang itinuro na nanguna sa pananakit sa kanila ang kapitan ng Barangay Papaya at hepe ng Bantay-Dagat sa Bayan ng Nasugbu na si Marlon Limboc.

Kuwento nila, pinaputukan ang kanilang mga bangka saka sila pinatalon at pinalipat sa bangka ng mga armadong lalaki. Itinali umano ang mga leeg nila saka pinadapa.

“Sobrang lasing, namamalo sa ’min. Bawat salita, sagot sa ’min palo,” kuwento ni Comendador.

“Nagmamakaawa na kami, umiiyak na kami. Akala ko mamatay na ako no’n. Nakayuko na lang ako,” ayon naman sa isa pang biktima na si Alfredo Costelo.

Matapos gulpihin, isa-isa pero magkakalayao umano silang pinatalon ng bangka.

“Hindi makatao ginawa nila sa ’min. Ginawa kaming hayop,” umiiyak na sinabi ni Rene Boy Cabahug.

Tinangay din umano ang pera at gadgets nila na nagkakahalaga ng P40,000.

Bagamat bugbog-sarado ang mga biktima, tiniis nila ang paglangoy ng apat hanggang limang oras makarating lang ng pampang. 

Sa kabila nito, isa sa kanilang kasamahan ang hindi na nila nakita at hanggang ngayon ay nawawala pa. 

Labis naman ang galit ng asawa ng biktima na si Rose Patata sa suspek.

“Sana makulong siya, ang ginawa niya sa asawa ko, di ko matatanggap ‘yan,” ani Patata.

Mariin namang itinanggi ni Limboc ang akusasyon.

“Hindi natin gawain yan at wala tayong nagawa ni minsan. Sa lahat ng operasyon ng Bantay-Dagat ay walang ganyang pangyayari,” ani Limboc.

Magsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay Limboc ang mga biktima sa Lunes.

“Karapatan po nila ‘yan. Sasagutin ko na lang kung ano man ang ikakaso nila sa ’kin,” ayon kay Limboc.

Samantala, may natagpuang bangkay ng isang lalaking palutang-lutang sa dagat ng Nasugbu. Hinihintay pa ng Philippine Coast Guard si Patata para matukoy kung ito nga ang labi ng kanyang nawawalang asawa. 

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.