SAPUL SA CCTV: 'Customer', nagnakaw ng 3 cellphone sa Malate

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2016 01:11 AM

MANILA -- Babala sa mga nagkukunwaring customer sa mga establisyimento.

Nahagip sa closed circuit television (CCTV) ang pagnanakaw ng isang lalaking nagpanggap na customer sa isang Korean shop sa Malate.

Ayon kay Ana Fe Torres, waitress sa nasabing restaurant, umorder ng higit P3,000 halaga ng pagkain ang lalaki.

Lumapit ito sa water dispenser sa tabi ng cashier para sana kumuha ng tubig.

Plano na nitong kunin ang tatlong cellphone ngunit napahinto ito nang dumaan ang isang waitress.

Pero nang makalagpas na ito, tinangay na ng suspek ang mga cellphone saka umalis.

Banggit nito, pupunta lang siya ng malapit na convenience store para bumili ng hotdog pero hindi na ito nagpakita. Iniwan lang ng suspek ang inorder nito.

Dahil sa kuha ng CCTV, nakilala ang lalaki na kilala bilang si alyas "Ilong" na notoryus umanong magnanakaw. Nakapambiktima na umano ito sa Antipolo, Laguna, Caloocan at iba pang mga lugar.

Nagpakalat na ang Barangay 698, Manila ng litrato ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.