Babae, patay sa pamamaril sa Makati

Alex Calda, DZMM

Posted at Jul 21 2016 12:46 PM

MANILA – Patay ang isang babae matapos itong barilin ng kapwa pasahero ng jeepney Huwebes ng umaga sa lungsod ng Makati.

Nakilala ang biktima na si Lauren Kristel Rosales, 27-taong gulang.

Ayon kay Sonny Priol ng Makati Public Safety Assistance (MAPSA), kapwa pasahero rin ng jeepney ang bumaril kay Rosales sa kanto ng N.Garcia at JP Rizal street.

Sinabi ni Priol, bumaba sa jeep ang di pa nakikilalang lalaki bago pa dumating ang sasakyan sa kanto ng JP Rizal.

Nang huminto ang jeep dahil sa stop light, nagmadaling naglakad ang lalaki pabalik ng jeep at binaril ang biktima na nakaupo sa kanang bahagi ng pampasaherong sasakyan.

Tinamaan naman sa kanang hita ang isang 20-anyos na babae na dinala agad sa Ospital ng Makati.

Dagdag pa ni Priol, matapos ang pamamaril ay naglakad palayo ang salarin at iniwan sa isang kulay pink na tricycle ang suot na sombrero, jacket at baril na ginamit sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.