2 bata sa Davao, patay dahil umano sa meningococcemia

Bonnamae Pamplona, ABS-CBN News Southern Mindanao

Posted at Jul 21 2016 04:04 PM

MANILA - Kinumpirma ng isang ospital na dalawang bata ang namatay sa Davao City noong Lunes dahil sa hinihinalang kaso ng meningococcemia.

Ayon sa infection prevention and control unit sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), isinugod sa kanilang ospital noong Linggo ang limang buwang sanggol na taga-Davao City at walong taong gulang na batang mula Digos City, Davao Del Sur.

Nakaranas umano ang mga pasyente ng mataas na lagnat at nakitaan din ng mga black spot sa katawan.

Namatay ang dalawang bata sa loob ng 24 oras, sabi ng SPMC.

Hihintayin pa ng ospital ang resulta ng laboratory test para matiyak na meningococcemia ang ikinamatay sa dalawang bata.

Ang meningococcemia ay dala ng Neisseria meningitidis bacteria na tumatama sa upper respiratory tract ng isang tao, nang hindi nagpapakita ng anumang sintomas ng sakit.

Naipapasa ang bacteria sa respiratory droplets mula sa pagbahing o pag-ubo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.