Nawawalang nurse sa Negros Oriental, natagpuang patay at nakalibing sa sariling lupa

Raffy Cabristante, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2022 04:45 PM

Nakita ang bangkay ng nurse na si Maribel Glazier sa isang mababaw na hukay sa loob mismo ng kanyang pinag-aariang lupa sa Valencia, Negros Oriental nitong July 19, 2022. Courtesy: Valencia PNP
Nakita ang bangkay ng nurse na si Maribel Glazier sa isang mababaw na hukay sa loob mismo ng kanyang pinag-aariang lupa sa Valencia, Negros Oriental nitong July 19, 2022. Courtesy: Valencia PNP

MANILA — Isang nurse na ilang araw nang nawawala ang natagpuang patay at nakalibing pa sa lupang pinag-aarian niya sa Barangay Palinpinon sa bayan ng Valencia, Negros Oriental.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Maribel Glazier, 32 anyos. 

Ayon sa mga awtoridad, natagpuan nitong Martes ang bangkay ng biktima na nakalibing sa isang mababaw na hukay sa loob mismo ng kanyang lupang pinag-aarian.

Unang iniulat na nawawala si Glazier nitong Hulyo 15. Ayon sa imbestigador na si P/SMSgt. Bienvenido Amil, hindi na raw siya ma-contact ng kanyang mga kaibigan sa telepono, kaya ini-report nila ito sa pulisya ng Dumaguete City.

Nang malaman ng mga awtoridad ang kanyang pinag-aariang lupa sa katabing bayan ng Valencia, pinuntahan nila ito at dito na nakitang wala nang buhay ang nurse at nakahubad pa umano. 

Dagdag pa ni Amil, may blunt injury silang nakita sa bangkay ng biktima; posibleng hinampas umano ito ng matigas na bagay bago mamatay. 

Nag-request na rin daw ng otopsiya ang pulisya sa bangkay ng biktima, alinsunod na rin sa hiling ng kanyang pamilya.

Patuloy ang imbestigasyon ng Valencia Police sa naturang krimen.