PatrolPH

29 anyos na nagbanta umano sa 13 anyos na ayaw makipagtalik sa kaniya, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2022 04:19 PM | Updated as of Jul 20 2022 09:58 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Arestado nitong Miyerkoles sa Mandaluyong City ang isang 29 anyos na lalaki na umano'y pinagbantaan ang isang 13 anyos na nakilala online na makipagtalik sa kaniya. 

Hindi mapakalma ang ina ng bata nang makaharap ang suspek na umano'y umabuso sa kaniyang anak. 

Lumalabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na ilang buwan nang magka-chat ang suspek na si Argie Lumocso at ang menor-de-edad. 

Doon namuo ang kanilang relasyon at hinihingan daw ng suspek ang dalagita ng malalaswang larawan. 

"Naghihingi pa rin si suspek ng pictures and videos sa kaniya - naked photos and videos of the victim," ani Michelle Sabino ng PNP-ACG. 

Pero ngayong Hulyo, hindi lang retrato ang hinihingi ni Lumocso. Nagkita umano ang dalawa at dinala ang biktima sa isang motel sa Maynila. 

Nang muling yayain umano ni Lumocso ang biktima na makipagtalik sa kaniya, sinabihan niya raw itong kapag hindi raw pumayag ay ipagkakalat nito ang nude photos at mga video sa pamilya. 

Dahil dito, ikinasa ang entrapment operation sa Mandaluyong at doon nasakote ang suspek. 

Pang-lima sa pitong magkakapatid ang bata. Manikurista ang ina na aminadong hindi nabantayan ang mga ginagawa ng anak sa social media. 

"Akala ko, nagdudutdut lang ng cellphone. Kasi po 'pag ako po magbayad ng load, P1,400 pa po binayaran ko sa load... hindi (ko) alam maglilihim siya ganun sa akin eh," ayon sa nanay.

Depensa ng suspek, hindi niya raw pinuwersa ang biktima at hindi rin daw ito nagsabi ng totoong edad. 

Ayon sa datos mula sa PNP-ACG, tumaas ang bilang ng mga kaso sa cybercrime mula noong kasagsagan ng pandemya. 

Sa kanilang datos, aabot sa 31 ang naitala nilang child abuse cases, at umakyat ito noong 2020. 

Bumaba ito sa 29 noong 2021. Hindi pa tapos ang 2022 pero may 31 kaso na silang naitala. 

Ayon kay Sabino, posibleng mas mataas pa ang bilang dahil sa mga hindi naiuulat na kaso.

Payo ng PNP sa mga magulang, bantayan ang aktibidad ng kanilang mga anak sa social media. 

Patong-patong na kaso ang isinampa laban sa suspek, kabilang ang statutory rape dahil menor de edad ang biktima. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.