PatrolPH

Mga LGU sa Metro Manila naghahanda kontra COVID-19 Delta variant

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2021 04:32 PM | Updated as of Jul 20 2021 06:54 PM

Mga LGU sa Metro Manila naghahanda kontra COVID-19 Delta variant 1
SM Mall of Asia Giga Vaccination Center sa Pasay City noong Hunyo 23, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News/File

Naghahanda na ang ilang local government unit (LGU) sa Metro Manila sa posibilidad ng pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Sa Pasay City, nagpatupad ng "no ID, no entry" ang Barangay 183, na nangangahulugang bawal pumasok doon ang mga hindi residente.

Naranasan kasi ng barangay na makapagtala ng 140 bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw.

"Baka makapasok dito sa aming lugar [ang Delta variant], alam mo naman malapit kami sa airport," sabi ni Victor Mendoza, opisyal ng barangay.

"Doble-higpit sa 'pagche-check ng mga tao," ani Mendoza.

Iniiwasan namang lumabas ng bahay ng residenteng si Naty Rico dahil hindi pa siya bakunado at kinakabahan sa bagong variant.

Sa Makati, puspusan naman ang bakunahan dahil na rin sa banta ng Delta variant. Malaki din kasi ang backlog ng lungsod sa pagbabakuna dahil sa kakulangan ng supply.

Umabot na sa 152,048 ang nabakunahan ng unang dose habang 81,988 naman ang fully vaccinated.

Bilang paghahanda sa Delta variant, hinigpitan na ulit ang pagpapatupad ng minimum health standards at pagbabawal sa mass gathering.

"Kung makikita niyo naman talaga sa labas talagang napakadaming tao na at naghahalo halo sila sa isang lugar so 'yan pinakaayaw natin lalo na kung makapasok Delta variant," ani Ronald Unson, assistant head ng Makati City Health Department.

Watch more on iWantTFC

Sa Quezon City, maghihigpit daw ang LGU sakaling magpatupad ng lockdown dahil sa variant at magkakaroon ng mas agresibong contact tracing.

Sa Navotas, dahil sa variant, pinagbawal ulit ni Mayor Toby Tiangco ang paglabas ng mga bata sa mga bahay.

Sa Caloocan, inatasan ni Mayor Oscar Malapitan ang pulisya na i-monitor ang mga mass gathering sa lungsod.

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.