PatrolPH

Fully vaccinated pwede nang pumasok sa Oriental Mindoro kahit walang RT-PCR test

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2021 02:10 AM

CALAPAN Oriental Mindoro—Papapasukin na sa lalawigang ito ang mga biyaherong fully vaccinated laban sa COVID-19 kahit wala silang RT-PCR test. 

Alinsunod ito sa Executive Order No. 30 series of 2021 na inilabas ng provincial government nitong Lunes.

Ayon sa EO, kailangan lang na ipresenta upon arrival ang hawak na vaccination card na nagpapatunay na natanggap na ang ika-2 dose ng COVID-19 vaccine. 

Maaari ring isabay ang kopya nito sa pagpapa-rehistro sa S-Pass bago pa bumiyahe. 

Ang city o municipal disaster risk reduction and management office ang inatasan ng provincial government para magsuri ng mga vaccination certificate. 

Maaaring maharap sa kasong kriminal ang mamemeke ng vaccination certificate. 

Nagbibigay ang Oriental Mindoro LGU ng residual authority sa mga authorized persons outside residence (APOR) maging konsiderasyon sa humanitarian purposes travel. 

Noong Biyernes, nag-anunsiyo ang provincial information office ng mga lugar na nag-require ng vaccination certificate bago pumasok sa lalawigan at bawat bayan.
 
Pinuna ng mga netizens ang hindi pare-parehong kautusan sa iba-ibang lugar. 

Saktong 7 araw ang nakakaraan nang maglabas din ng parehong kautusan ang katabing lalawigan na Occidental Mindoro na pinapayagan ang pagpasok ng fully vaccinated individuals. 

Ang kautusang ito na ipinatupad ng dalawang magkatabing lalawigan ay alinsunod sa IATF Resolution 124-B noong July 2 na pumapayag sa inter-zonal travel para sa mga indibidwal na fully vaccinated. 

—Ulat ni Andrew Bernardo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.