PatrolPH

Barge mula Indonesia na may crew na positibo sa COVID-19, dumating na sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2021 05:59 PM | Updated as of Jul 20 2021 08:49 PM

Barge mula Indonesia na may crew na positibo sa COVID-19, dumating na sa Albay 1
Hila ng MV Tug Clyde ang Barge Claudia mula Indonesia na may kargang 8,000 metric tons ng steam coal. Naka-angkla ngayon ito sa Albay at hindi pinababa ang crew matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 11 sa 19 tripulante nito. Larawan mula sa PCG Station Albay Commander, Captain Wilmo Maquirang

(UPDATE) Dumating sa Albay, Martes ng umaga, ang binabantayang MV Tug Clyde at Barge Claudia na mula sa bansang Indonesia na may sakay na mga tripulanteng positibo sa COVID-19.

Ayon sa impormasyon na ipinalabas ng Office of Civil Defense Bicol mula sa Philippine Navy, alas-4:45 ng madaling araw dumating ang barko na ngayo'y naka-angkla na nang may isang kilometro ang layo mula sa Lidong port sa bayan ng Sto Domingo.
 
Mahigpit na binabantayan ang barko dahil 11 sa 19 na tripulanteng sakay nito ang positibo sa COVID-19.

Ang barge ay may kargang 8,000 metric ton ng steam coal.

Una nang naibaba sa Butuan City ang isang tripulante na nagpositibo rin sa COVID-19.

Watch more on iWantTFC

Wala pang kumpirmasyon kung Delta-variant carrier ang mga ito.

Ayon kay Philippine Information Agency (PIA) Bicol Regional Director Marlon Loterte, wala nang babaan pa ang lahat ng crew.

"Yung tug boat po ang magsisilbing quarantine area nila. With provisions naman po ng mga kailangan nila galing sa owner o company ng vessels," sabi niya.

Pawang asymptomatic ang mga crew. Sakaling mag-develop sila ng sintomas at maging severe o kritikal ay kukunin sila sa barko para mai-confine.

Watch more on iWantTFC

Mayroon din umanong imbestigasyon para matukoy kung bakit nakapagbiyahe pa ang vessel papuntang Albay kahit wala pang resulta ang RT-PCR test ng crew.

"Nakunan na din sila ng samples noong nasa Butuan for whole-genome sequencing to determine the COVID-19 variant," ani Loterte.

Siniguro ng Maritime Security and Monitoring Team ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Albay na walang makalalapit na sasakyang pandagat sa barko at walang makakababa na crew, para ma-kontrol ang pagkalat ng virus. 

Bahagi ng naturang team ang isang PCG medical officer para makapagbigay ng tulong medikal, kung kakailanganin ng mga tripulante. 

- Ulat ni Karren Canon

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.