MAYNILA — Isinailalim sa localized enhanced community quarantine (ECQ) ang Ventura Compound, F. Mariano sa Barangay Dela Paz, Pasig City simula ngayong Lunes.
Ayon sa public information office ng lungsod, nagdedeklara ang lokal na pamahalaan ng Localized ECQ sa mga lugar na "mataas ang konsentrasyon" ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
"Ang tinitingnan natin ay ang bilang ng active / suspected / probable cases sa bawat compound / street / small area kumpara sa populasyon ng lugar," sinabi ng public information office ng Pasig sa isang Facebook post.
"Hindi po basehan ang total bilang ng kaso sa buong barangay. Tandaan natin na hindi pare-pareho ang laki ng mga barangay sa Pasig," dagdag pa nito.
Papayagan lamang ang mga residenteng lumabas ng kanilang bahay para sa trabaho o emergency reasons, at magbibigay ng mga food packs para maiwasan ang pangangailangan na bumili ng pagkain sa labas.
Una nang isinailalim sa localized ECQ ang Pipino, Labanos, Okra, at Ubas Streets sa Barangay Napico-Manggahan nitong Linggo.
Sa huling tala ng nitong Linggo, aabot na sa 1,286 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa siyudad kung saan 97 na ang pumanaw, 514 ang aktibong kaso, at 675 ang gumaling na.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog News, Pasig, localized ECQ, Ventura Compound, F. Mariano, Barangay Dela Paz,enhanced community quarantine, COVID-19, coronavirus