Traditional Chinese medicine vs COVID-19 ipinarerehistro na sa FDA

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 03:13 PM | Updated as of Jul 21 2020 07:47 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE)— Nasa proseso na ng pagpaparehistro sa Food and Drugs Administration (FDA) ang isang Chinese medicine na ginagamit umano para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Sabi sa TeleRadyo ni FDA director general Eric Domingo nitong Lunes, nasa huling stage na sila sa pagsusuri sa produktong Lianhua Qingwen para matukoy kung marerehistro ba ito at magagamit sa bansa.

Ayon kay Domingo, sinusuri na lang nila ngayon ang proseso ng paggawa sa gamot at mga papeles ng factory nito sa China.
    
Kapag maaprubahan, kailangan pa rin ang reseta ng doktor o mga awtorisadong mag-practice ng traditional Chinese medicine para mabili ang produkto.

"Traditional Chinese medicine ito. So meron na naman silang ipinakita sa ating ebidensya na proven ang paggamit nito, kung ano ang sangkap. Una, in-evaluate muna natin lahat ng contents niya at tiningnan natin kung safe siya. Pumasa naman po," sabi ni Domingo.

Maaalalang noong Mayo ay natunton ng mga awtoridad ang isang bodega sa Cavite kung saan nakita ang sangkatutak na Lianhua Qingwen capsules.

Sinabi noon ng Department of Health na hindi pa rehistrado ang gamot sa Pilipinas kaya hindi ito legal gamitin sa bansa.  

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.