PatrolPH

Panukalang pag-adjust sa school calendar nilagdaan ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 03:55 PM | Updated as of Jul 20 2020 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang panukala na nagbibigay sa kaniya ng kapangyarihang iurong ang petsa ng pagbubukas ng klase sa panahong itinakda ng batas.

Nilagdaan ni Duterte ang Republic Act No. 11480 na nagsususog sa RA No. 7797, na nagsasabing ang simula ng school year ay maaaring itakda mula unang Lunes ng Hunyo hanggang huling araw ng Agosto.

Sa ilalim ng bagong batas, papayagan ng pangulo, base sa rekomendasyon ng education secretary, na magtakda ng bagong petsa ng school opening kapag may idineklarang state of emergency o state of calamity.

Pinirmahan ni Duterte ang panukala noong Biyernes pero nakakuha ang ABS-CBN News ng kopya ngayong Lunes.

Sakop ng batas ang lahat ng basic education schools, kasama ang foreign at international schools.

Sa ilalim din ng bagong batas, ang education secretary din ang magtatakda kung kailan matatapos ang school year basta ikukunsidera ang Christmas at summer vacations, at ang mga situwasyon sa bawat rehiyon.

Papayagan din umano ang pagkakaroon ng Saturday classes.

Para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), nakatutulong ang bagong batas para pansamantalang mapawi ang mga pangamba sa school opening.

Pero mas mainam ang pagkakaroon ng kaukulang budget allocation na kakailanganin ng Department of Education sa paghahanda sa pagbubukas ng klase, ayon kay ACT Secretary General Raymond Basilio.

Sa phone interview, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nananatili sa Agosto 24 ang school opening sa kabila ng pagkakapirma sa bagong batas.

Wala rin umanong pagtutol ang DepEd sa bagong batas, lalo at magkakaroon naman ng konsultasyon sa pagitan ng education secretary at pangulo sakaling gustuhin mang baguhin ang petsa ng school opening, ayon kay Briones.

Ayon din kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pang pagbabago sa petsa ng school opening.

Ipinagbawal ang pagkakaroon ng klase sa mismong paaralan upang maiwasan malantad ang mga estudyante, guro at school personnel sa banta ng COVID-19.

Dahil dito, magpapatupad ang DepEd ng distance learning, kung saan ihahatid ang aralin sa mga bata sa pamamagitan ng online platforms, printed at digital modules, telebisyon at radyo. -- Ulat nina Joyce Balancio, Jaehwa Bernardo, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.