PatrolPH

Pagkamatay ng high-profile inmates sa Bilibid pinagtatakhan, nais imbestigahan

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 07:55 PM | Updated as of Jul 20 2020 09:25 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Patay na at agad na-cremate noong Sabado ang drug convict na si Jaybee Sebastian, isa sa mga nagdawit kay Sen. Leila de Lima sa pamamalakad umano ng ilegal na droga sa Bilibid.

Ayon sa death certificate mula sa punerarya na pinagdalhan sa kaniya, myocardial infarction o heart attack ang sanhi ng pagkamatay ng 40 taong gulang na bilanggo.

Pero nakasaad din dito na COVID-19 ang isa sa mga contributing conditions sa kaniyang pagkamatay.

Tumanggi si Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag na kumpirmahin kung patay na nga si Sebastian at kung COVID-19 ang isa sa mga dahilan.

"Meron kasi tayong prohibition dahil sa Data Privacy Act na 'yun so kahit gustuhin man natin magsalita, kahit hindi si Jaybee ang sinasabi niyo ay yung prohibition kasi. Batas kasi yun," ani Bantag.

Ito'y kahit pa sinabi na ni Sen. Franklin Drilon na hindi sakop ng data privacy law ang impormasyon tungkol sa pagkamatay ng isang preso kaya walang dahilan para ilihim ito ng BuCor.

"Disclosing information about a prisoner's death is not a protected information under the data privacy law," ani Drilon.

Kalaunan, mismong Department of Justice (DOJ) na rin ang nagkumpirma na kinremate na si Sebastian.

"As to Jaybee Sebastian, yes, BuCor has confirmed that he was cremated," ani DOJ Undersecretary Markk Perete.

Ipinatawag ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Bantag dahil sa dumaraming ulat ng mga namamatay umanong preso, kabilang ang 9 na high-profile drug convicts.

Ayon kay Bantag, 21 sa 45 preso na namatay ay kumpirmadong dahil sa COVID-19 habang ang natitirang 24 ay "to consider COVID-19" pa lamang.

Sa kabuuan, may 339 na preso ng BuCor ang nagpositibo sa COVID-19 at 320 dito ay nakarekober.

Sa isang pahayag, sinabi ni Guevarra na pinaiimbestigahan na niya sa National Bureau of Investigation ang pagkamatay ni Sebastian at walong iba pang high-profile inmates.

Dumepensa naman si Bantag sa mga espekulasyon na pinapalabas lang na patay ang mga high-profile inmates para makatakas ang mga ito.

Naghain na rin ng resolusyon si Senate President Tito Sotto para imbestigahan ang dumarami umanong hindi maipaliwanag na mga tanong sa pagkamatay ng inmates.

"I'm filing a reso looking into the matter. There are too many unanswered questions," ani Sotto.

Pero para kay Sen. Panfilo Lacson, kung walang foul play, mas gugustuhin niyang igugol ang oras ng Senado sa ibang mas mahahalagang bagay kaysa pagkamatay ng mga convict na hindi umano nagpakita ng pagsisisi sa kanilang drug operations.

Ipinauubaya naman ng Malacañang sa DOJ ang imbestigasyon, lalo na't may mga pumupuna kung bakit tila sabay-sabay ang pagkamatay. Ilan sa mga ito, tetestigo pa umano laban kay De Lima.

Ayon naman kay De Lima, hindi mahalaga kung patay o buhay ang mga nagbibintang sa kanya dahil lahat naman umano ng mga kuwento nila ay mga kasinungalingan.

"Whether the fabricator is dead or alive does not change the fact that their stories are all lies, and that the cases against me are all fake," ani De Lima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.