PatrolPH

Mga Katoliko hinikayat na maghayag ng mga saloobin sa mga nangyayari sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 08:14 PM

Watch more on iWantTFC

Hinikayat ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na maghayag ng kanilang mga saloobin sa mga nangyayari sa bansa.

Ilang isyu na nangyayari ngayon sa mundo ang tinalakay sa pastoral letter mula kay CBCP acting president Bishop Pablo Virgilio David.

Humingi ng panalangin ang simbahan para sa mga taga-Hong Kong matapos maisabatas ang bagong national security act bilang tugon sa hiling ni Yangon Archbishop Charles Cardinal Bo ng Myanmar at ng Federation of Asian Bishops' Conferences.

Banta aniya ito sa karapatang pantao ng mga residente at posibleng pagkitil sa kanilang kalayaang magpahayag.

"Kinalma ng pamahalaan ng Tsina ang mga mamamayan ng Hong Kong na wala naman dapat silang ikatakot kung hindi naman daw nakikisangkot sa ano mang gawain na banta sa seguridad ng bansa. Bakit ang paliwanag na ito ay para bang narinig na rin nating mga Pilipino? Dahil tayo ay nasa kapareho ring situwasyon," ani David.

Ayon kay David, hindi nalalayo ang situwasyon ng Hong Kong sa Pilipinas kaya maging ang mga Pilipino ay nangangailangan din ng panalangin.

Binanggit ng obispo ang iba't ibang nakababahalang pagpasa ng anti-terrorism law at pagpatay sa hiling na prangkisa ng ABS-CBN.

"Hindi ba natin nararamdaman ang epekto ng pagsasara ng pinakamalaking kompanya ng telebisyon, ang ABS-CBN?" ani David.

Binatikos ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang pahayag ng CBCP sa pastoral letter.

Ayon kay Panelo, paglabag ito sa doktrina ng separation of church and state o paghihiwalay ng simbahan at estado, na nakasaad sa Saligang Batas.

Hinimok ni Panelo ang CBCP na magtiwala sa sistema ng hudikatura para malutas ang isyu ng kontrobersiyal na anti-terrorism act.

Nilinaw naman ni Bishop Broderick Pabillo sa mga sumisita sa pagiging vocal ng simbahan na matagal na silang nagsasalita.

Mas naging maingay lang umano ngayon ang simbahan dahil mas malaki na ang mga problemang hinaharap ng bansa.

Hinikayat naman ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church sa Maynila, ang publiko na maging mulat sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

Iginiit ni Badong na ito ang paraan para malabanan ang kasamaan.

Para naman sa Integrated Bar of the Philippines, walang nilabag ang CBCP sa pahayag sa pastoral letter.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.