Metro Manila nakapagtala ng pinakamaraming bagong COVID-19 cases: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 05:16 PM | Updated as of Jul 20 2020 06:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangunguna pa rin ang Metro Manila sa mga lugar na nakapagtatala ng maraming bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) pero may ibang rehiyon ding umaakyat ang mga numero, ayon sa Department of Health.

"Binabantayan natin as of July 19, ang top regions natin by new cases this week, we have Region 4A, we have Region 7, we have Western Visayas, we have Central Luzon and Northern Mindanao," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Nitong huling linggo o mula Hulyo 12 hanggang 18, 7,413 ang bilang ng bagong COVID-19 cases na naitala sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila, base sa datos ng DOH.

Kasunod ng NCR ang Calabarzon (Region 4A) na may 1,158 at Central Visayas (Region 7) na may 1,060.

Nasa 309 bagong kaso naman ang naitala sa Western Visayas, 251 sa Central Luzon, at 234 sa Northern Mindanao, ayon sa DOH.

Nauna nang sinabi ng DOH sa Western Visayas na karamihan ng kanilang kaso ay mula sa mga overseas Filipino worker at locally-stranded individual.

Sa mga lungsod, nangunguna naman ang Maynila sa may pinakamaraming bagong kasong naitala noong nakaraang linggo, na nasa 2,086.

Pumangalawa ang Quezon City na nakapagtala ng 1,017 bagong kaso at pangatlo ang Mandaluyong na may 620 bagong kaso.

Kasama rin sa listahan ang Cebu City, Navotas City, at Makati City.

Bagaman lamang pa rin ang Cebu City sa pinakamaraming kaso mula nang magsimula ang pandemya, lamang ang Maynila sa aktibong kaso o iyong mga hindi pa gumagaling.

Tumaas din ang bilang ng COVID-19 clusters o iyong pagdami ng kaso sa isang lugar.

"Total clusters for now currently at 638 identified by our epidemiology team," ani Vergeire.

Sa 638, 49 cluster ay nakita sa mga ospital habang 24 ay sa mga kulungan.

May 513 cluster naman ang nakita sa mga komunidad.

Ngayong Lunes, umakyat sa 68,898 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ng 1,521 dagdag na kaso ang DOH.

Sa 68,898, 43,991 ang aktibong kaso.

Umkyat naman sa 23,072 ang kabuuang bilang ng mga recovery matapos gumaling sa sakit ang 607. Apat naman ang naitalang bagong pagkamatay kaya umabot sa 1,835 ang death toll.

Paulit-ulit namang paalala ng DOH sa publiko na magsuot ng face mask, sumunod sa physical distancing, at huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman kailangan. -- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.