Malawakang pagbabakuna vs polio umarangkada sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 02:34 PM

Muling umarangkada ngayong Lunes ang malawakang pagbabakuna kontra polio sa Mindanao matapos maantala bunsod ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Tatagal hanggang Agosto 2 ang pagbabakuna sa mga bata sa Mindanao, sabi ng Department of Health sa isang pahayag.

Sa Davao City, nagbahay-bahay ang health workers para mabigyan ng polio vaccine ang mga bata.

Para makaiwas sa hawahan ng sakit, nakasuot ng face shield, face mask at gloves ang health workers. Pinagbawalan din umano silang hawakan ang bibig ng mga bata.

Target ng Davao City Health Office na mabigyan ng oral polio vaccine ang higit 180,000 batang may edad 5 pababa.

Sa Cotabato City, nagbahay-bahay din ang mga tauhan ng lokal na Department of Health (DOH) at city government para bakunahan ang mga batang may edad 5 pababa.

Wala namang pagdadalawang-isip ang ilang magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

"Importante talaga kasi depensa natin ito sa polio virus," sabi ng residenteng si Al-Sharif Tamburani.

Nasa 36,826 bata ang target mabakunahan sa lungsod.

Sa Bangsamoro region, nagsimula na ring mag-ikot ang health workers para magbigay ng libreng bakuna.

Target ng Ministry of Health sa Bangsamoro na mabakunahan ang 839,676 batang may edad 5 pababa.

Samantala, sa Soccsksargen region, 582,793 batang may edad 5 pababa ang target na mabigyan ng polio vaccine.

Pero babakunahan din ang mga batang may edad hanggang 10.

"The first challenge is some parents or guardians [do] not allow their children to be immunized," ani Aristides Tan, direktor ng DOH-Soccsksargen.

"Hopefully our health personnel will have enthusiasm to move on despite of the several weeks that they are working for the pandemic, 'yong fatigue syndrome will not affect," dagdag niya.

Ayon sa DOH, mayroon ding polio immunization campaign para sa mga bata sa Central Luzon ngayong Lunes.

Sa Agosto naman ay magkakaroon ng pagbabakuna para sa mga bata sa Laguna, Cavite at Rizal, ayon sa DOH.

Noong Setyembre 2019, kinumpirma ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas, halos 2 dekada matapos ideklara ng World Health Oranization na "polio-free" ang bansa.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit na kadalasang tumatama sa mga bata. Kapag lumala ay nagdudulot ito ng paralysis at kamatayan.

-- May ulat nina Andoreena Causon at Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.