LTFRB Central Office muling binuksan

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 05:28 PM

Muling nagbukas ngayong Lunes ang main office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City matapos isara nang 5 araw dahil sa mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19.

Mahaba ang pila ng mga dudulog sa LTFRB nang buksan ang main office nito sa may East Avenue bandang alas-9 ng umaga.

Masusi rin kasi ang dadaanan bago tuluyang makapasok sa tanggapan, tulad ng pagkuha ng body temperature at paghuhugas ng kamay.

Hindi rin pinapapasok sa tanggapan ang mga walang suot na face mask.

Kailangan ding mag-fill up ng form para sa posibleng contact tracing.

Ayon kay LTFRB technical division director Joel Bolano, mayroon namang mga serbisyo ang ahensiya na maaaring gawin online.

Aminado si Bolano na mabigat na ang mga transaksiyon sa online nila.

"Siguro may volume na rin kasi ina-address ng info systems division as far as the capacity of the servers kaya bumabagal din siguro 'yong pag-receive at pag-send for some infra na kailangan," ani Bolano.

"We are addressing it now and we are doing some options na online system na additional," dagdag niya.

Aabot sa 10 empleyado ng ahensiya ang naitalang positibo sa COVID-19 kaya pansamantalang isinara ang main office.

Inabisuhan naman ang mga kliyente ng ahensiya na sumunod sa health and safety protocol pagpasok ng opisina.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.