Init, ulan, gutom tinitiis ng mga stranded sa Maynila bago makauwi sa probinsya

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 04:18 PM | Updated as of Jul 20 2020 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Init at ulan ang kalaban ng mga stranded na pasahero sa Manila North Harbor habang sila ay naghihintay na maiuwi sa kani-kanilang probinsiya sa Visayas at Mindanao matapos silang mahagupit ng pandemyang COVID-19.

Bumuhos ang malakas na ulan noong Linggo ng hapon sa port kung saan higit 100 mga pasahero ang stranded.

Nagkukumpulan sila sa isang tent sa labas ng pier na nagsisilbing holding area habang wala pa silang biyahe pauwi sa Visayas at Mindanao.

Umaagos lang papunta sa mga pasahero ang tubig ulan kaya nakatayo lang sila habang hinihintay itong tumila.

"Uulan na naman, saan kami pupunta nito? Magtatago na naman kami. Hihingi na naman kami ng tulong sa Coast Guard, sa security. Hindi kami binibigyan... Para kami nilang inetsapuwera. Parang aso lang... May nagkakasakit sa ganito," ani Dominic Choa, isang stranded na pasahero.

Matapos ang ulan, basa ang mga karton na higaan ng mga pasahero. Kaya ang mga bata, sa maleta na lang natutulog.

Apat na araw na sa tent si Abdul Suhod Timol na uuwi sana sa Dumaguete noong Huwebes pero nakansela ang biyahe. Dahil kapos na ang budget, kape at biskwit na lang ang pinagsasaluhan nilang pamilya.

"Madalang po ang rasyon. Ito lang ang kaya ng budget. Gutom ang abot namin dito," ani Timol.

Kung wala nang pambili ng pagkain, lalong wala nang pamasahe pabalik sa kanilang mga pinanggalingan ang mga pasahero kaya nagtitiis na lang silang maghintay ng biyahe.

Stranded na pasahero (in green shirt and mask)
"Bakit hindi niyo naman ipinaalam sa lahat na mag-change kayo ng schedule? Ang mahal kaya ng pamasahe P650 ang singil sa akin kanina," hinaing ni Marietta Fontalan.

Nakapagpa-rapid test na ang mga pasaherong may ticket na, kaya nangangamba sila sa kanilang kalusugan habang naghihintay ng biyahe. Wala rin kasing palikuran doon at nagkalat pa ang basura.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), kasama na sa kanilang standard operating procedure ang pag-asikaso sa mga stranded na pasahero.

"We took care of the LSIs (locally stranded individuals) for almost two weeks, gave them accommodations, meals and swab tested them... The ones there now are being treated the same way, given same accommodations while waiting for their trips... They will be transferred," ani Jay Daniel Santiago, general manager ng PPA.

Ililipat sila sa holding areas ng pantalan at bibigyan ng matutuluyan, pagkain, at isasailalim sa swab test habang naghihintay ng biyahe.

Hinihintay na ito ng mga pasaherong maisakatuparan sa lalong madaling panahon habang wala pang kasiguraduhan kung kailan sila makakauwi sa probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.