Delivery boy patay nang barilin ng sundalo sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 02:22 PM

Napatay noong hapon ng Linggo sa Davao City ang isang delivery boy matapos umanong barilin ng isang sundalo, na ama ng taong na-bully o inapi ng biktima.

Nagalit ang suspek—na may ranggong staff sergeant—sa biktimang si Ronnel Mabandos, 37, nang kutyain nito ang kaniyang anak, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Aabot sa tatlong tama ng bala sa ulo ang tinamo umano ng biktima, na agad niyang ikinamatay.

"Nagalit ang tatay. Hindi niya napigilan, binaril niya ang biktima," ani Maj. Estrello Ramiso, commander ng Buhangin Police Station sa Davao City.

Pero sinasabing noon pa man ay may hidwaan na ang biktima at suspek dahil muntik nang mabunggo ng delivery boy ang bata dati.

Sumuko sa mga awtoridad ang sundalo, na nakatakdang sampahan ng kasong murder.

-- Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.