PatrolPH

Bilang ng nagka-COVID-19 sa Bangsamoro region umabot na sa higit 400

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 03:33 PM

Umabot na sa mahigit 400 ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), batay sa pinakahuling ulat ng rehiyon nitong Lunes.

Ito ay matapos makapagtala ng dagdag na 23 kaso ng COVID-19 sa BARMM sa nakalipas na tatlong araw.

Hanggang Hulyo 19 o Linggo, umabot na sa 402 ang kabuuang COVID-19 cases sa rehiyon, ayon sa Ministry of Health.

Mula sa bilang na ito, 160 ang mula sa Lanao del Sur, 120 naman mula sa mga stranded individuals na naka-quarantine sa Sultan Kudarat, 75 mula sa Basilan, 36 mula sa Maguindanao, 10 sa Sulu, at isa sa Tawi-Tawi.

Samantala, patuloy ang pagpapaabot ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat sa mahigit 400 stranded individuals mula Maynila na naka-quarantine ngayon sa bayan.

Matatandaang 405 locally stranded individuals mula Maynila ang naka-quarantine ngayon sa Sultan Kudarat matapos magpositibo sa COVID-19 ang marami sa kanila. 

Nagdesisyon ang BARMM na i-quarantine na lahat sila dahil "kontaminado" na umano ang mga ito at posibleng nagkahawahan na. 

Ngayong linggo ay magtatapos na ang 14-day quarantine ng mga stranded individuals at saka sila ihahatid ng kani-kanilang mga probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.