Bangkay ng lola natagpuan sa sasakyan ng Agusan del Norte provincial gov't

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 05:29 PM

Kabilang sa iimbestigahan ng mga pulis kung ginahasa ang biktima lalo't nakababa ang salawal nito nang siya ay matagpuan. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

AGUSAN DEL NORTE — Isang bangkay ng lola ang natagpuan nitong Lunes sa loob ng sasakyang pag-aari ng provincial government ng Agusan del Norte. 

Ang sasakyan ay pagmamay-ari ng Agusan del Norte Provincial Capitol at minamaneho ni Rodrigo Agang. 

Papasok na sana sa trabaho si Agang nang bumungad pagbukas niya ng pinto ng sasakyan ang masangsang na amoy.

Nang kaniyang buksan ang likod na bahagi ng sasakyan, natagpuan niya ang bangkay ng isang babae.

Sa harapan ng Buenavista Municipal Hall niya ipinarada ang sasakyan noong Biyernes ng hapon pagkatapos ng kaniyang duty.

Nakasanayan na umano niyang iparada ang sasakyan sa lugar dahil naniniwala siyang mas ligtas na iwanan doon ang sasakyan.

Iniwan din niyang naka-lock ang sasakyan kaya't nagtataka siya kung paanong naipasok doon ang bangkay ng babae.

Kinilala ang biktima na si Josephine Parucho, 66, at residente ng Barangay Simbalan.

Tinatayang 35 kilometro ang layo ng tirahan ng biktima kung saan natagpuan ang kanyang bangkay.

Kabilang sa iimbestigahan ng mga pulis kung ginahasa ang biktima lalo't nakababa ang salawal nito nang siya ay matagpuan.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima sa nangyari. 

Inaasahang isasailalim sa autopsy ang bangkay para malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.