PatrolPH

Bangkay natagpuan sa sasakyan ng Agusan del Norte provincial govt

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 03:44 PM

Bangkay natagpuan sa sasakyan ng Agusan del Norte provincial govt 1
Natagpuan ang bangkay ng isang 66-anyos na babae sa likod ng isang sasakyan na pagmamay-ari ng provincial government sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte nitong Lunes. Buenavista Municipal Police

Natagpuan ang bangkay ng isang babae sa likod na bahagi ng isang sasakyan na pagmamay-ari ng provincial government sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa driver na si Rodrigo Agang, papasok sana siya sa kaniyang trabaho nang bumungad sa kaniya ang masangsang na amoy nang buksan ang pinto ng sasakyan.

Nang buksan ang likod na bahagi ng sasakyan, natagpuan niya ang bangkay ng isang babae na kinilala ng mga awtoridad na si Josephine Parucho, 66-anyos, residente ng Barangay Simbalan.

Ayon kay Agang, sa harapan ng Buenavista Municipal Hall niya ipinarada at ni-lock ang sasakyan noong Biyernes ng hapon pagkatapos ng kaniyang duty.

Nakasanayan niya umanong iparada ang sasakyan sa lugar dahil naniniwala siyang ligtas doon.

"Sabi ng driver, ni-lock daw niya. So hindi pa natin masasabi kung may forced entry ba na nangyayari o naiwanan o nalimutan niyang isara yung pintuan ng sasakyan," ani Police Lt. Fritzel Cubillan, deputy chief of police ng Buenavista Municipal Police.

Tinatayang 35 kilometro ang layo ng tirahan ng biktima kung saan natagpuan ang kanyang bangkay.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay. Kabilang sa iimbestigahan ng mga pulis kung ginahasa ang biktima lalo't nakababa ang short pants nito nang siya ay matagpuan. 

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima at ang kapitolyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.