BACOLOD CITY - Dalawang purok sa Barangay Banago sa Bacolod City ang isinailalim sa lockdown matapos may dalawang residenteng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Punong Barangay Ricky Mijares, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Bacolod City Health Office noong Sabado ng umaga na may nagpositibo sa sakit sa lugar, kaya agad na ipinatupad ang lockdown noong araw din iyon.
Isang karpintero na taga-Purok Mahimulaton sa Zone 5 ang nagpositibo sa sakit. Na-admit sa ospital ang pasyente at namatay ito noong nakaraang Miyerkoles.
Ani Mijares, walang travel history ang karpintero at wala ring naging close contact na may sakit na COVID-19.
Kasalukuyang naka-home quarantine naman ang kaniyang pamilya at pati na rin ang 15 iba pang pamilya sa naturang purok.
Samantala, may tatlong bahay naman na ni-lockdwon sa Purok Riverside Zone 3, matapos may nagpositibo na residente sa lugar.
Galing sa Metro Manila at dumating sa Bacolod City noong Hulyo 13 at nag-home quarantine ang nasabing pasyente.
Dinala na siya sa Quarantine Facility ng Bacolod Inter-Agency Task Force, pati na rin ang kaniyang pamilya.
Isasailalim sa swab test ang pamilya ng dalawang pasyente.
Binibigyan naman ng barangay ng food packs ang mga apektado ng lockdown.
Hindi pa sinasabi ng barangay kung hanggang kailan ang ipinapatupad na lockdown.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bacolod City, lockdown, localized lockdown, coronavirus, COVID-19, Tagalog news