TINGNAN: 'Libag' sa Bonifacio Shrine tanggal sa power washing

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 02:22 PM

MAYNILA - Kita ang pagbabago sa Bonifacio Shrine sa Maynila matapos ito isailalim sa power washing Sabado bilang bahagi ng patuloy na paglilinis sa lugar. 

Sa kaniyang Facebook Live video, ipinakita ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsasailalim ng shrine sa power washing, kung saan isang high-pressure spray ang ipinanglinis sa mga gilid at base ng bantayog. 

 

 

Makikita ang tila "pagbabago ng kulay" sa mga bahagi ng shrine matapos linisin. 

Screengrab

Personal pang sinubukan ni Moreno ang power washer. 

Screengrab

Makikita rin sa video na naging itim ang tubig matapos i-spray sa mga maruruming bahagi ng shrine. 

"Ayan oh, parang libag oh," aniya. 

Pinapurihan si Moreno ng mga netizens na nakapanood ng live video. Ang isa, inakalang "itim talaga" ang mga nilinis na bahagi ng shrine. Ang isa naman, sinabing panahon na para mapaliguan ang bantayog ni Andres Bonifacio. 

Ang bayani ay isang rebolusyonaryo na nag-aklas laban sa mga mananakop na Kastila noong 19th na siglo. 

Noong nakaraang linggo inumpisahan ang paglilinis sa Bonifacio Shrine malapit sa Manila City Hall matapos makaapak si Moreno ng dumi sa paligid nito. 

Mula pagkakaupo bilang alkalde, iniisa-isa na ni Moreno ang paglilinis at pagsasaayos sa mga marurumi at masisikip na lugar sa Maynila, kabilang ang Divisoria, Lagusnilad underpass at Vitas slaughterhouse. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.