'Nagmahal lang talaga ako': Parlorista sinabuyan ng kemikal ang babaeng karelasyon ng nobyo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 06:00 AM | Updated as of Jul 20 2019 07:59 PM

MAYNILA—Aminadong nadala ng galit at selos ang isang parlorista kaya nito binuhusan ng kemikal ang babaeng naging karelasyon ng kaniyang nobyo.

Nahuli ng mga pulis si Ramon "Mona" Colada, 30 anyos, sa isang tindahan sa Barangay Quenale, Tabaco City, Albay Biyernes ng tanghali at dinala sa Pasay City Sabado ng madaling-araw.

“Sana mapatawad niya ako. Kasi sa sobrang selos, sa sobrang galit, nagawa ko iyon,” panawagan niya sa biktimang si Glory Cris Cuerda, 27 anyos.

Nawalan ng paningin at nalapnos ang balat sa mukha at katawan si Cuerda matapos mabuhusan ng kemikal noong nagkaharap ang dalawa sa pinagtatrabahuan nitong mall sa Baclaran noong Lunes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa pulis, nagtalo ang suspek at biktima.

“Sa sobrang galit ko, hindi ko po alam na sa mukha ko siya mabubuhos," ani Colada.

Ayon sa suspek, lye o lihiya ang ibinuhos niya sa biktima. Dala-dala niya ang bote nito para iuwi sa Albay at gamiting pampa-relax ng buhok. Ginagamit din ang lihiya o sodium hydroxide na panlinis ng tubo.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng lab test kung anong uri ng kemikal ang isinaboy sa biktima.

Kuwento ni Colada, ipapaubaya na sana niya kay Cuerada ang halos isang taon na niyang karelasyon na si John, pero naunahan siya ng galit.

"Nainsulto lang po talaga ako. Magsasama na daw sila, gusto na nila magkaanak, uuwi sila ng probinsiya, naano lang talaga ako. Kasi nagsasama pa kami ni John hindi pa kami nagbi-break," ani Colada.

Laking pagsisisi ng suspek matapos niyang makita ang nangyari sa biktima. 

“Kasalanan ko rin naman iyon. Hindi ko po ginusto 'yung nangyari sa'yo kasi nagmahal lang talaga ako," aniya.

Plano na umano ni Colada na sumuko sa mga pulis bago pa dumating ang mga ito.

Ayon kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City police, pumunta ang kanilang mga imbestigador sa Albay matapos makakuha ng impormasyon na naroon ang suspek.

Kasong serious physical injury ang nakatakdang isampa laban kay Colada.

Nakahanda namang magpaabot ng tulong pinansiyal o pangkabuhayan ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa biktima, ani Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Ginagamot si Cuerda sa Philippine General Hospital at naghihintay pa ng retina donor para muling makakita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.