Lalaki nakuhanan ng P14-milyong halaga ng 'shabu' sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 05:31 AM

Donna Lavares, ABS-CBN News

CEBU CITY—Nasamsam sa isang lalaki ang nasa P14 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Cogon Ramos, Cebu City nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Glenn Mayam, hepe ng Regional Drug Enforcement Group, hinuli ang 19 anyos na suspek matapos mabilhan ng 1 kilo ng shabu.

Narekober pa sa lalaki ang 1 kilo ng shabu na isinilid sa lalagyan ng mga tea bag.

Ayon sa mga pulis, isang drug suspect umano na nakadetine sa Cebu City Jail ang nasa likod ng negosyo ng suspek.

Depensa naman ng hinuli, wala siyang kilalang preso sa Cebu City Jail at pinadala lamang umano ito sa kaniya kapalit ng P5,000. 

Ang perang kaniyang kinikita sa pagtutulak ang umano'y kaniyang ibinubuhay sa pamilya.

Magsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis upang matukoy ang supplier ng suspek.—Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.