Bangkay ng sanggol natagpuan sa tambakan ng basura sa Zamboanga

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 10:59 AM

ZAMBOANGA CITY – Nakasilid sa isang karton nang matagpuan ng mga residente ang isang bangkay ng sanggol sa isang tambakan ng basura sa lungsod, Sabado ng umaga.

Ayon Kay Carmelito Bejerano, chairman ng Barangay Lumbangan, kasama ang karton sa mga basurang itinapon ng isang garbage truck nitong Biyernes.

Dagdag pa ni Bejerano, tinatayang nasa 9-buwang gulang ang sanggol at babae ang kasarian nito.

Maaaring ilang araw na itong itinapon dahil wala na itong mga braso.

Hindi pa sa ngayon matukoy ng opisyal kung saang barangay mula ang nahakot na basura ng truck.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang nagtapon sa sanggol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.