9 timbog sa hiwalay na drug bust sa QC

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 12:13 PM

MAYNILA – Siyam ang arestado, kabilang ang dalawang senior high school student, sa magkakahiwalay na drug operations ng pulis sa Quezon City, Biyernes ng gabi. 

Nagwala ang isang babae matapos na mahuli ng mga pulis na gumagamit ng droga kasama ang dalawang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Pugad Lawin, Barangay Baesa.

“Nagsasawaga kasi kami ng simultaneous anti-criminality and law enforcement operation para malinis mula sa lawless element ang lugar,” pahayag ni Police Lt. Harry Basilia.

Nakuha mula sa kanila ang mga pinaggamitan umano ng marijuana. Todo-tanggi ang dalawang lalaki habang umamin ang babae.

Huli rin ang apat na lalaki sa buy-bust operation sa Sitio Pajo sa nasabi ding barangay. Target ng operasyon si alyas “Louella” na nasa drugs watchlist ng pulisya. Saktong nasa lugar din ang tatlo na umano’y mga parokyano ng target.

Sabi ng pulisya, ginagawa rin umanong drug den ang bahay ni Louella.

Siyam na sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa mga suspek na umaming gumagamit, pero hindi nagbebenta ng droga.

Sa Barangay South Triangle naman, huli ang magkaklaseng senior high school sa police operation ng Quezon City Police District Station 10.

“Itong lugar na ito, maalarma dahil maraming incident na basag kotse at robbery. Nung nakita natin sila, biglang may itinapon. Nakita natin, marijuana at paraphernalia. Hinuli natin sila,” sabi ni Police Cpl. Mark Anthony Velasco.

Unang nagpakilalang 18 anyos sa mga pulis ang dalawa pero kalauna’y umaming sila’y 17-anyos lamang.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga ito. Kapag napatunayang menor de edad sila, dadalhin sila sa Department of Social Welfare and Development.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.