9 sa pamilya na tulak umano ng droga arestado sa Sampaloc

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 09:57 AM | Updated as of Jul 20 2019 06:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang 9 na magkakamag-anak na miyembro umano ng isang drug group sa magkakahiwalay na operasyon sa Sampaloc, Maynila Sabado ng madaling-araw.

Nasabat ng mga pulis ang nasa P400,000 halaga ng hinihinalang shabu at 4 na baril sa pagpapatupad nila ng search warrant sa 4 na bahay sa Dela Fuente Street at Loreto Street.

Miyembro umano ang mga suspek ng tinaguriang Tapeño drug group, ayon sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Manila District Field Unit (DFU) at Manila Police District (MPD) Station 4 na nagsagawa ng operasyon.

Ani Police Maj. Leandro Gutierrez, hepe ng CIDG Manila DFU, tatlong buwan nilang minanmanan ang grupo na pinamumunuan umano ng nagpakilalang tanod na si Antonio Tapeño.

"'Yung source nila binabagsak lahat kay Antonio then si Antonio idi-divide sa kamag-anak na ibebenta naman, then iba-ibang bahay may bibili at gagamit,” aniya.

Nakulong na rin ang karamihan sa mga suspek dahil sa droga.

Dagdag ni Gutierrez, ginagamit umanong proteksiyon laban sa mga pulis o ibang gang ang mga nasabat na baril.

Depensa ni Tapeño, wala siyang baril at hindi rin siya nagbebenta ng droga.

Aminado naman siyang gumagamit ng shabu para manatiling gising sa pagtatanod.

Kuwento ni Barangay 148 Chairman Jonas Bartolome, 2014 at 2015 pa na may paghuhuli sa kanilang lugar dahil sa droga.

Pinagbigyan din umano nila ng pagkakataon si Tapeño na magbago matapos makalabas sa kulungan.

“Ginagamit nilang dahilan na magtanod para gumawa ng paraan sa madaling-araw ng kung anuman,” ani Bartolome.

Giit naman ng ibang suspek na drug user lang sila at hindi pusher.

Kakasuhan sila ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.