3 umano'y miyembro ng robbery gang patay sa engkuwentro

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 10:28 AM

MAYNILA - Patay ang tatlo umanong miyembro ng isang robbery group matapos maka-engkuwentro ang mga pulis sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Sa madilim na kalsada ng Biak na Bato sa Barangay Sto. Domingo napatay ang tatlong lalaking nakilala lamang sa mga alyas na "Jeffrey," "Nono," at "Bert."

Ang tatlo ay sinasabing kasapi umano ng Hermosa robbery group na nasa likod ng talamak na panghoholdap at panloloob sa mga bahay sa lungsod.

“Nakatanggap tayo ng impormasyon na nasa area ang grupo. Nakamotor sila. Nang sitahin natin, nagpaputok sila. Kailangan natin depensahan ang ating sarili,” ayon kay Police Col. Enrico Vargas, deputy director for operations ng Quezon City Police District.

Nakatakas naman ang isang Nonoy Hermosa na sinasabing lider ng grupo.

Nakuha sa mga suspek ang tatlong baril habang patuloy naman ang paghahanap sa nakatakas na lider ng grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.