1 patay, 7 sugatan sa banggaan ng SUV at jeep sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 05:37 AM

Donna Lavares, ABS-CBN News

CEBU CITY—Patay ang isang tsuper habang sugatan ang 7 iba pa sa salpukan ng pampasaherong jeep at sports utility vehicle (SUV) sa General Maxilom Ave., Cebu City Sabado ng madaling-araw.

Kinilala ang namatay na si Raul Largado na naipit sa manibela.

Nagtamo naman ng mga bali at sugat sa katawan ang 5 sakay ng jeep. Nadamay rin sa banggaan ang isang motorsiklo na may 2 sakay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, patungong Lapu-Lapu City ang jeep habang papunta namang Talisay City ang SUV.

Kuwento ng ilang nakakita sa insidente, sinubukan umanong mag-overtake ng SUV sa ibang sasakyan hanggang sa mabangga sa jeep na papalabas mula sa isang gasolinahan.

Ayon kay Police Cpl. Ronilo Dignos ng Traffic Patrol Group, mabilis umano ang takbo ng SUV at nakainom din ang drayber nito na nakadetine ngayon sa Parian Police Station.

Napag-alaman din na base sa record ng City Traffic Operatons Management (Citom) na naisyuhan ng ticket si Largado nitong Biyernes dahil sa defective headlight ng jeep.—Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.