Suspek sa pamamaslang at pagnanakaw, timbog sa Davao City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 06:42 AM

DAVAO CITY - Arestado ang isang lalaki nitong Biyernes, ilang araw matapos umano niyang patayin ang isang lalaki at tangayin ang P400,000 mula sa biktima.

Inamin ng suspek na si Eugenio Sabac na sinaksak niya ang biktimang si Noel Rollan noong Miyerkules ng gabi sa Samantha Homes sa distrito ng Matina Pangi.

"Inunahan niya ako ng saksak kaya sinalag ko tapos sinaksak ko siya, namatay. Merong pera sa bulsa niya kinuha ko rin," sabi ng suspek.

Nakuha mula kay Sabac ang kutsilyo na ginamit sa pananaksak at P400,000 na ninakaw mula sa biktima.

Inaresto rin ng mga pulis ang kasintahan ni Sabac na si Cynthia Cadon, na kasintahan din ng biktima.

"Merong mga witness nakakita na lumabas sila sa bahay ng biktima, tapos duguan," sabi ni Chief Inspector Ronald Lao, ang Station Commander ng Talomo Police.

Haharap sa kasong robbery with homicide sina Sabac at Cadon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.