SONASERYE: Pederalismo, Bangsamoro region daan ba tungo sa kapayapaan?

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 10:13 PM | Updated as of Jul 23 2019 12:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa loob ng dalawang taon, dalawang malalaking pangako rin na daan para sa kapayapaan ang isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte: ang Bangsamoro Organic Law (BOL) at ang draft federal Constitution.

Pero ano nga ba ang tingin ng iba't ibang sektor sa mga hakbang na ito ng administrasyon?

Isa si Hajji Malli sa libo-libong Tausug na lumikas noong 1970s mula Jolo matapos ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Pero halos limang dekada na ang lumipas, hindi pa makabalik sa Sulu ang kaniyang buong angkan.

"Kaming mga Muslim, meron kaming culture and tradition na kung saan kami isinilang, gusto namin, doon din mailibing...Paano ka pupunta sa Sulu? Every now and then 'yung kidnap ng Abu Sayyaf, left and right," ani Malli na administrator din ng Manila Golden Mosque & Cultural Center.

Ilang administrasyon na ang sumubok pero bigong lutasin ang Moro insurgency sa Mindanao. Ngunit sa pag-upo ni Duterte na tubong-Mindanao, nabigyan sila ng pag-asa.

Nitong Miyerkoles lang, naipasa sa bicameral conference committee ang BOL o mas kilala noon bilang Bangsamoro Basic Law na inaasahang pipirmahan ng Pangulo sa araw ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Lunes. 

SABAY NA REPORMA

Para naman masigurong hindi lalabag sa Konstitusyon ang mga probisyon ng BOL, sabay na isinusulong rin ang pagpalit ng porma ng gobyerno tungo sa pederalismo.

"Ang mabibigay lang kasi ng unitary government ay decentralized powers eh. Hindi kagaya ng federal government, ang maibibigay sa kanila (Bangsamoro), talagang self-government, self-rule," ani dating Chief Justice Reynato Puno, na chair ng Consultative Committee (ConCom) na bumalangkas ng draft federal charter.

Pero hindi lahat kumbinsidong kailangang pagsabayin ang pederalismo at ang BOL.

"We do not need federalism or amending the Constitution in order to achieve the self-governance or the benefits of the federalism...The [BOL] grants self-governance [already]," ani Senate Majority Floor Leader Franklin Drilon.

"The [BOL] may [just serve as] a model for a federal system of government in the Philippines. We must have a test case or a model so if it succeeds, then we can adopt federalism throughout the Philippines," suhestiyon naman ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr.

Pero sa gitna ng ingay na dala ng dalawang panukala, tila may babala ang isang propesor.

"[Nasa] kasaysayan na ng Mindanao na tuwing may bagong kasunduan, ito naman ang hudyat ng pagtatag o pagkabuo ng mga bagong grupo," paalala ni Dr. Julkipli Wadi, propesor sa UP Institute of Islamic Studies.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.