P3.4 milyong halaga ng ilegal na droga nasabat sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 08:12 PM

Nasabat ang P3.4 milyong halaga ng shabu mula sa 2 lalaki sa Maguindanao, Huwebes ng hapon. ABS-CBN News

Nasamsam ang nasa P3.4 milyong halaga ng ilegal na droga mula sa dalawang lalaki sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao nitong Huwebes.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, 50 gramo ng shabu ang ibinenta ng dalawang lalaki sa isang agent na nagpanggap bilang buyer kapalit ang P130,000.

Nasabat pa mula sa kanila ang isang malaking pakete ng shabu na may timbang na kalahating kilo at nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Ayon sa mga awtoridad, sinabi ng mga suspek na taga-Lebak, Sultan Kudarat sila ngunit ang address sa kanilang identification card ay Maynila.

Itinanggi naman ng mga suspek ang akusasyon laban sa kanila at sinabing napag-utusan lamang sila.

Nitong Miyerkoles, isang habal-habal driver ang nakuhanan ng P1.7 milyong halaga ng droga sa Cotabato City.
 

Anim naman ang naaresto sa bayan ng Wao, Lanao del Sur noong Miyerkoles, kung saan nasamsam ang 35 gramo ng droga na nagkakahalaga ng P238,000.

Nitong Biyernes ng tanghali, dalawang lalaki ang nakuhanan ng 10 gramo ng droga na may halagang P68,000 sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.