Mga baril at bala, nasabat sa pier sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 05:38 AM

CEBU CITY - Nasabat ng mga pulis ang iba't ibang uri ng baril at mga bala sa loob ng isang bus na pagmamay-ari umano ng isang lokal na pamahalaan sa Pier 4 ng Cebu City Huwebes ng gabi.

Nahuli rin ang 2 lalaki na umano'y may-ari ng mga bag na pinaglagyan ng mga baril.

Nakuha dito ang 10 kalibre .38 na baril, 4 kalibre .45 na baril, mga bala at magazine.

Ayon sa mga tauhan ng Waterfront Police Station, isinagawa nila ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa pagpuslit ng mga baril.

Pasakay na sana sa isang RoRo vessel ang bus patungong Ormoc City.

Inaalam ngayon ng mga pulis kung bakit nakasakay sa isang bus na pagmamay-ari ng isang munisipyo sa Samar ang mga nahuli.

Iimbestigahan din nila kung paano nakalusot ang bus sa pier. - ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.