'Makina nga napapagod': Pahayag ng Kuwaiti influencer ikinagalit ng OFWs

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 06:20 PM | Updated as of Jul 20 2018 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Viral at umaani ng batikos ngayon ang pahayag ng kilalang Kuwaiti social media influencer at make-up artist matapos nitong sabihing hindi katanggap-tanggap ang bagong batas sa Kuwait na layong protektahan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) doon. 

Reklamo kasi ng internet celebrity na si Sondos Alqattan sa kaniyang viral video sa Instagram, bukod sa sangkatutak na papel ang kailangang pirmahan para makakuha ng Pinoy domestic worker, bakit daw kailangang hawakan pa ng mga kasambahay ang kanilang pasaporte, at bakit kailangan din daw bigyan sila ng day-off.

"How can you have a 'servant' in your house who gets to keep their passport with them? And what's worse is they have one day off every week...If they ran away and went back to their country, who'll refund me? Honestly, I disagree with this law. I don't want a Filipino maid anymore," aniya.

Mayroong 2.3 milyong followers sa Instagram si Alqattan.

BATIKOS

Marami sa mga OFW sa Kuwait ang hindi natuwa sa pahayag ni Alqattan.

"Hindi naman puwede 'yon. Siyempre makina nga napapagod eh, tao pa kaya?" ayon kay Racquel Octa na siyam na taon nang namamasukan sa Kuwait.

"Hindi po puwede 'yan...Dapat talaga meron kaming holiday kahit twice a month kasi 'yon lang ang pahinga namin...Kasi minsan naho-homesick kami dito at gusto namin mag-enjoy sa kaibigan namin o magpunta sa church," ani Ellen Siose na dalawang taon nang kasambahay sa bansa.

Maging ang amo nina Octa at Siose, binatikos ang naging pahayag ng kaniyang kapuwa-Kuwaiti.

"To be honest, it doesn’t make sense. It’s against the human rights. They are not a slave. We are all one. A house without housemaid is like living a house without a ceiling. Really, I dare this woman and anyone who agrees to this statement to work 24/7 in the office without taking any vacation or holiday," hamon ni Muneera Al-Humaidi.

Hindi rin pinalagpas ng ilang mga advocacy group ang banat ni Alqattan.

"Maliit na porsiyento lang din naman ng mga Kuwaiti ang may ganiyang attitude sa mga OFW dito. Pero ang higit na nakakabahala ay isa siyang celebrity na maaaring makaimpluwensiya sa mga ibang Kuwaiti," ayon kay Kristian Dela Paz, presidente ng AKO-OFW Kuwait.

Nakapaloob ang mga karapatan ng OFW sa "Memorandum of Agreement on Filipino Domestic Workers" na pinirmahan noong Mayo.

Dito natuldokan ang deployment ban at diplomatic row ng dalawang bansa.

"As far as the two countries are concerned, 'yon po ang kasunduan ng bansa at ng gobyerno ng Kuwait: ang bigyan ng karapatan ang isang domestic worker na humawak ng cellphone at magkaroon ng day-off... Tayo po ay may pinanghahawakang agreement ng dalawang bansa," giit ni Teresa Olgado, labor attache ng Philippine Overseas Labor Office Kuwait.

-- Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.