Dating pulis, binaril habang nasa PTA meeting sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 05:27 AM

CEBU CITY - Sugatan ang isang dating pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa loob ng isang paaralan sa Cebu City Huwebes ng hapon.

Nagtamo ng 2 tama ng bala ng baril sa katawan si SPO2 Armando Ahmed Lozano.

Ayon kay Ricardo Aman, principal ng Labangon Bliss Elementary School, dumalo ang biktima sa induction ceremony ng mga opisyal ng Parents Teachers Association (PTA) sa nasabing paaralan.

Si Lozano na may anak sa grade 3 ay ang kasalukuyang presidente ng PTA ng eskuwelahan.

Habang ginagawa ang pagpupulong sa covered court, nilapitan ng mga salarin si Cebu City Councilor Eugenio "Jun" Gabuya Jr. na naimbitahan lang sa aktibidad at tinutukan ng baril.

Sinenyasan ang salarin ng kaniyang kasamahan na hindi ito ang target kundi si Lozano na katabi ng konsehal.

Agad tumakbo si Lozano habang pinapaputukan ito. Nakapagtago pa ang biktima sa isang silid-aralan hanggang sa umalis ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Itinakbo sa ospital si Lozano pagkatapos at ngayon ay nasa mabuti na itong kalagayan.

Personal grudge ang tinitingnang motibo ng pulisya sa insidente.

Dagdag ni Aman, ikonokonsidera nila ngayon na humingi ng guwardiya sa Department of Education (DepEd) matapos ang pangyayari.

May pasok naman sa paaralan ngayong Biyernes pero isasailalim ang ilang estudyante at guro sa debriefing. - ulat ni Carine Asutilla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.