Suspek sa pagpatay sa disaster chief, timbog sa buy-bust sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 06:38 PM

Mugshot ni Jaime Encomienda Saavedra, suspek sa pagpatay kay Gilbert Baaco na pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palawan. Palawan Provincial Police Office

PALAWAN- Isa ang suspek sa pagpatay sa dating pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palawan sa mga naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Rosal, Barangay Poblacion, bayan ng San Vicente dito.

Napag-alaman ng awtoridad na isa si Jaime Encomienda Saavedra, alyas Jun, sa mga itinuturong suspek sa pagpatay kay Gilbert Baaco noong Abril sa loob ng kaniyang bahay sa Brooke's Point.

Nauna nang inako ng komunistang grupong New People's Army ang pagpatay kay Baaco, na kanilang inakusahan na isang "drug lord" at "gun runner."

Nag-alok si Palawan Governor Jose Chaves Alvarez ng hanggang P30-milyong pabuya sa makapagbibigay ng impormasyong ikaka-aresto ng mga suspek.

Bukod kay Saavedra, sinampahan din ng kaso ang ilan pang suspek na pinaniniwalaang miyembro umano ng Bienvenido Vallever Command ng NPA kaugnay ng pagpatay kay Baaco. 

Sila ay kinilala bilang sina:

- Vincent Libuna Lozada alias Ka Allan Lozada at Ka Vincent Libuna 
- Dona Quidayan alias Mary Ann Reyes, Ka Lota, Ka Dara, Ka Teri at Ka Pauline
- Norberto Paano alias Bornok
- Salvador Luminuso alias Ka Badong, Ka Denmark

May sampu pang hindi nakikilalang suspek, kasama ang hinihinalang mastermind, sa mga kinasuhan. 

Nailabas na ang subpoena para sa mga suspek na patuloy pa ring pinaghahanap ng awtoridad.

Samantala, kasamang naaresto ni Saavedra sa buy-bust operation si Mae Labrador, kapwa niya residente sa Abad Santos, Brgy. Maunlad, Puerto Princesa City.

Nasabat sa dalawa ang isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at isang P500 bill na ginamit bilang marked money.

Kasalukuyan silang nakapiit sa Provincial Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.