Pagpaparehistro ng SIM card, ipinanukala

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 06:02 PM | Updated as of Jul 20 2017 11:48 PM

Ipinanunukala sa Senado na iparehistro ang lahat ng subscriber identification module o SIM card sa buong Pilipinas.

Sa panukalang Sim Card Registration ni Senador Sherwin Gatchalian, irerehistro ang lahat ng SIM card sa Pilipinas na umaabot na ngayon sa 120 milyon, kung saan 95 porsiyento ang prepaid. 

Ayon kay Gatchalian, nagagamit na rin kasi ang cellphone na may prepaid SIM sa terorismo.

"Eight doctor namatay sa CDO dahil sa bomba, ang triggering device prepaid SIM cellphone, so nagagamit talaga sa terorismo,” ani Gatchalian. 

Sakaling maipasa ang batas, kailangang iparehistro ng may-ari ang SIM niya matapos ang 180 araw. Ibabahagi naman ng telecommunications company ang datos sa National Telecommunications Commission.

Suportado ng mga telco ang panukala ngunit may kuwestiyon sila sa paraan ng implementasyon.

Dapat anila ay unahin muna ang national ID kung saan maiisyuhan ng tamper proof ID ang lahat ng Pilipino.

"We don’t have a national ID system, yung isang taong gagawa ng kalokohan di nman magre-register ‘yan," ani Eric De Los Reyes, chairman ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators.

Dagdag pa nila, maaari rin kasing mapeke kahit ang ibang pang government ID. 

"'Yung government IDs kasi napepeke, kahit passports or licenses,” ani De Los Reyes.

Para naman kay alyas ‘Cynthia’ na nakaranas ng karahasan sa pamamagitan ng cellphone, maiging rehistrado lahat ng number para makikilala agad ang mga taong gumagawa ng masama.

Nitong Martes lang, nakatanggap ng mahahalay na text messages ang empleyadang si Cynthia. Aniya, hindi niya kilala ang prepaid number at minsan tinawagan pa siya at binastos.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.