P4.2-M halaga ng ipinuslit na sibuyas nakumpiska

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 04:10 PM

MANILA - Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) Huwebes ang P4.2 milyon na halaga ng sibuyas na ipinuslit sa bansa galing Tsina. 

Kinansela ng ahensya ang accreditation permit ng Equiscent Import and Export Corporation matapos madiskubre ang mga kotrabando sa loob ng 2 truck nito sa BOC red lane. 

Mayroon lamang permit ang kumpanya para sa pag-aangkat ng bawang. 

Pero napag-alaman na naging modus operandi na nila ang paglalagay ng bawang sa harapan ng mga kargamento para matakpan ang mga sibuyas sa loob. 

Lumalabas na kadalasang 5 porsyento lamang ang bawang na inaangkat ng kumpanya habang nasa 95 porsyento ang ipinupuslit nilang sibuyas. 

Ayon sa Bureau of Plant Industry, maaaring pabagsakin ng smuggling ang presyo ng sibuyas sa merkado dahil sa labis na suplay. Mapipilitan naman ang mga magsasaka na ibenta nang mas mababa ang kanilang mga ani, dahilan para malugi sila. 

Mahaharap ang Equiscent Import and Export Corporation sa kasong economic sabotage. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.