Mga 'bakwit', gustong magmartsa pa-Marawi sa araw ng SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 06:47 PM | Updated as of Jul 20 2017 11:55 PM

Itutuloy ng mga 'bakwit' ang planong pagmamartsa patungong Marawi at ang pagsasagawa ng isang 'state of the 'bakwit' address' kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Lunes, Hulyo 24. 

Mananawagan din sila sa pamahalaan na huwag nang pagbigyan ang hiling na pagpapalawig sa batas militar. 

Gusto ng mga 'bakwit' na ilabas ang kanilang mga hinaing, gaya ng hiling nilang mabisita na ang kanilang mga tahanan. 

"'Yong masilip lang namin. 'Yong makaroon kami ng free access to visit our homes. If the military will not allow us to stay, then okay lang. Please listen to the Maranao people. I-consider po ninyo 'yong humanitarian, 'yong pagkatao ng mga Maranao. Tama na po. We have suffered too much," ayon sa 'bakwit' na si Nariman Taha. 

Bukod dito, nais nilang makita ang sinapit ng kanilang lungsod, at ipaalam ang saloobin ng mga 'bakwit' na dalawang buwan nang naghihirap sa mga evacuation center. 

"Nasisiraan na sila ng bait. Labingwalo ang namatay dahil sa mental health disorder, 27 hospital deaths and counting everyday," ayon kay Samira Gutoc, dating komisyoner ng Bangsamoro Transition Commission.

"We are going to walk and express ourselves in a 'state of bakwit address' while the president delivers his State of the Nation Address," dagdag pa niya.

Higit dito, ipananawagan din nila sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso, na huwag nang pagbigyan ang hiling na pagpapalawig sa martial law. 

Ayon kay Gutoc, magiging parusa sa mahigit isang milyong Maranao kung mapapalawig ang batas militar sa Mindanao. 

"Please, President, don't abandon us when we need you the most. Withdraw that letter of extension. Don't punish us for the Maute's sins," aniya.

Handa naman ang Armed Forces of the Philippines na salubungin ang mga magmamartsa sa Lunes. 

"Marami rin kasi ang nanloloko. Pinepeke nila yung safe conduct pass. Maging mahinahon po tayo. Dapat open-minded tayo," ayon kay Joint Task Force Marawi spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.