Mag-ama, huli sa drug bust sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 04:08 PM

CAGAYAN DE ORO – Tiklo ang isang 41-anyos na lalaki at ang kanyang 19-taong gulang na anak na babae sa inilatag na drug buy-bust operation, Miyerkoles ng gabi.

Nakilala ang mga naaresto na sina Marvin Galicano at anak nitong si Pinky.

Nahuli ang dalawa sa buy-bust operation ng Police Station 2 at Task Force Oro ng Philippine Army sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Tibasak, Zone-4, Barangay Macasandig.

Nagawang makabili ng mga operatiba ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek at limang iba pa ang narekober mula sa kanila na may street value na P44,000.

Ayon kay Police Inspector Jason Sto. Domingo, ginagamit umano ni Galicano ang kanyang anak bilang runner ng ilegal na droga.

Bagamat inaming gumagamit ng ilegal na droga, itinanggi naman ng dalawa suspek ang akusasyon sa kanila.
 
Pero dagdag ng pulisya, dati nang naaresto si Galicano sa kasong pagnanakaw pero nakalaya nang ma-dismiss ang kaso.

Nahaharap ngayon ang mag-ama sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.