Illegal recruiter, arestado sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 01:44 AM

Arestado si Justine Catuira sa isang entrapment operation sa Siniloan, Laguna nitong Lunes. Siniloan police handout photo.

Inaresto ang isang illegal recruiter sa Siniloan, Laguna matapos umanong perahan ang mga biktima kapalit ang pangakong trabaho sa ibang bansa.

Arestado si Justine Catuira, 27, sa ikinasang entrapment operation ng Siniloan police nitong Lunes.

Dito iniabot ng isang complainant ang P2,500 "processing fee" na nagsilbing marked money. 

"Nung hinanapan natin siya ng documents na magpapatunay na siya ay accredited na magpadala ng tao sa ibang bansa ay wala po siyang naipakita kaya po natin siya hinuli,” ani Senior Inspector Lindley Tibuc, hepe ng Siniloan police.

Nadiskubre rin sa operasyon ang mga nakatagong papeles na ipinasa ng mga biktima kay Catuira.

"Inaamin ko naman po. Pinagsisisihan ko naman po yung ginawa kong kasalanan. Sana po yung mga taong naloko ko po ay mapatawad nila,” ani Catuira.

Laki raw ng panghihinayang ni Christopher Rejano, isa sa mga biktima, dahil napunta lang sa wala ang halos P20,000 niyang naipon na pera.

"Sabi po niya kung willing daw po kaming mag-Canada. Nung una parang nagdadalawang-isip po kami kasi parang napakahirap pong pasukin ng bansang Canada. Ang nanay niya may green card na kaya mabilis magprocess ng tao,” ani Rejano.

"P18,500 po para sa processing ng medical at saka ng passport. Bukod dun sa binayad ko sa kanya, ‘yung pera na dapat ay para sa tindahan namin dun sa kainan eh nagagastos ko rin ho.”

Bukod pa umano ang P15,000 halagang nakuha mula sa ibang complainant.

Nasampahan na si Catuira ng kasong illegal recruitment at stafa. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Siniloan police.

Hinikayat naman ng pulis ang iba pang nabiktima ni Catuira na lumantad para pormal na makapagsampa ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.