Higit P.5-M halaga ng shabu, nasabat

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 10:16 AM

Isang babae ang nahulihan ng mahigit sa kalahating milyong pisong halaga ng shabu sa Barangay San Manuel sa Puerto Princesa City.

Wala nang nagawa pa si Julie Almonte, 35-anyos mula sa Barangay Sta. Monica nang bulatlatin ang mga gamit nito sa pulisya.

Mula sa inaakalang isang pakete ng imported chocolate ay naglalaman pala ito ng bulto-bultong iligal na droga.

Labing-isang sachet ng white crystalline substance na hinihinalang shabu ang nasabat sa suspek.

Lunes pa ng gabi nang matiktikan ng City Police Drug Enforcement Unit at Task Force Banat ang pagtanggap ni Almonte sa padala mula sa isang pribadong courier sa Puerto Princesa.

Pero pasado alas-4 kahapon nang matunton ito sa Barangay San Manuel at doon ikinasa ang entrapment operation.

Todo-tanggi naman ang suspek at sinasabing ipinapaabot lamang daw sa kanya ang bitbit na mga pakete.

Kasama rin sa gagamiting ebidensiya ang P18,000 pagmamay-ari ni Almonte.

Dadaan sa inquest proceedings ang suspek na haharap sa mga kasong may kinalaman sa sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Iimbestigahan pa rin umano ang estado ni Almonte sa listahan ng mga personalidad na may kinalaman sa droga para matukoy ang iba pang mga ka-transaksiyon nito sa buong Palawan.

Tututukan din umano ang mga kumpanyang nagiging kasangkapan sa pagpapakalat ng droga sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.