Estudyanteng pinatay sa Pangasinan, nailibing na

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 08:11 PM | Updated as of Jul 21 2017 05:31 PM

(UPDATE) Naihatid na sa huling hantungan ang estudyante na pinaslang at hinihinalang ginahasa pa noong nakaraang linggo sa bayan ng Basista sa Pangasinan.

Tanging mga larawan na lamang ni Joanna Rose Español ang kinausap sa huling pagkakataon ng kanyang mga magulang bago ihatid ang kanyang mga labi sa huling hantungan nitong Huwebes.

“Anak ko, Joan, 'yung pumaslang sa iyo, huwag mo siyang patulugin. Sana mahuli na 'yang pumatay sa iyo. Grabeng ginawa nila. Hindi ko matatanggap [ang] ginawa nila,” sabi ng kanyang ama na si Ruben Español.

Natagpuan ang bangkay ni Joanna Rose na nakadapa at nakalubog sa tubig sa isang bukid sa Barangay Dumpay, Sabado ng hapon. 

Sandaling itinigil ang funeral procession nang matapat sa eskwelahan ni Joana at sumalubong ang kanyang mga ka-eskuwela.

“Hindi ko alam na 'yun na pala [ang] last naming pagkikita,” sabi ng kanyang kaibigan na si Jenny de Guzman.

May mga kuwentong hindi matahimik ang kaluluwa ni Joanna Rose sa kanilang eskuwelahan.

“Nakita siya kahapon ng lady guard, nakaupo na nakangiti na,” sabi ng kanyang adviser na si Victorio Juan.

Dalawang persons of interest ang naimbitahan na umano ng Basista Police Station na humarap sa binuong special investigating task group na hahawak sa kaso ng pagpaslang kay Joanna Rose.

“Kumukuha tayo ng information. Kung may witness pa, iimbestigahan natin,” ani Inspector Geraldo Payopay.

Natagpuan na rin ang mga gamit ni Joanna Rose 100 metro mula sa lugar kung saan nakita ang kanyang mga labi.

Sa eskuwelahan kung saan nag-aral si Joanna Rose, inagahan na ng mga namamahala ang oras ng klase.

Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon na ang kanilang klase, mas maaga sa dating alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

“May assembly kami with parents, dapat magtulungan lang,” sabi ni Juan.

Samantala, magbibigay naman ng P100,000 pabuya si Pangasinan 2nd District Board Member Raul Sison sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa suspek.

“Para kung mayroong information, mag-jibe iyong mga investigation,” sabi ni Sison.

Lumalabas sa autopsy report na asphyxia by drowning ang sanhi ng pagkamatay ni Joanna Rose.

Nakitaan din ng injuries ang kanyang ari na nagmumungkahi ng penetrating trauma.

Hinala rin ng awtoridad na nawalan na ito ng malay dahilan para tuluyan itong malunod.

Samantala, nag-alok ng P100,000 pabuya si Board Member Raul Sison para sa makapagbibigay impormasyon tungo sa ikadadakip sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.