Dagdag-inspeksiyon sa NAIA para sa mga pasaherong pa-Amerika

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 08:34 PM | Updated as of Jul 21 2017 12:23 AM

Magkakaroon ng dagdag na inspeksiyon sa Ninoy Aquino International Airport para sa mga pasaherong patungong Amerika at may bitbit na electronic device na mas malaki pa sa cellphone.

Alinsunod ito sa bagong direktiba ng United States Homeland Security na dapat siyasatin ang mga gadget para maiwasan ang pag-atake ng mga terorista. 

Simula kahapon ng Miyerkoles, kung mayroong dalang mga electronic gadget na mas malaki pa sa ordinaryong cellphone gaya ng laptop, tablet, at camera, dadaan sa dagdag na airport screening ang pasahero ng Philippine Airlines na may direktang flight papuntang Amerika.

"We have the first layer of check done by the airport, then the secondary or redundancy check done by our PAL security personnel," paliwanag ni Cielo Villaluna, tagapagsalita ng Philippine Airlines. 

"If you were in contact with gun powder, bala, or IED (improvised explosive device) in past few days, 'pag sinuwab ang item na hawak mo, makikita 'yon dun. Like anything it will create suspicion, it will ask for additional verification. That will be endorsed to us, and together with the PNP (Philippine National Police) and the Philippine Aviation Group will take over," dagdag pa ni Ed Monreal, General Manager ng Manila International Airport Authority.

Kung biyaheng Amerika naman sakay ng ibang airline at may mga stop over, mayroon ding redundant check sa mga bansang may direct flight papuntang Amerika. 

Nanawagan naman ang PAL sa kanilang mga pasahero na makipagtulungan sa kanilang redundant checks lalo't para na rin ito sa kanilang seguridad. 

"Makakaseguro po ang aming mga pasahero na may sapat na training ang aming mga security personnel sa tamang proseso ng inspeksiyon, at makakaseguro sila at lahat ng mga equipment will be handled with outmost care. So kung by accident, nasira, pananagutan 'yon ng kumpanya," ani Villaluna.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.