Bus binalaang isasara ang garahe dahil sumundo ng pasahero

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 08:03 PM | Updated as of Jul 21 2017 12:07 AM

Tuluyan nang ipasasara ng Metropolitan Manila Development Authority ang garahe ng Dimple Star bus company matapos itong mahuling nagsasakay pa rin ng mga pasahero sa bus terminal na ipinasara ng mga awtoridad. 

Paliwanag ng tagapagsalita ng Dimple Star na si Roselyn Noble, sarado naman daw ang kanilang istasyon at ginagawan lang nila ng paraan na maisakay ang mga pasaherong may tiket na.

"Sarado naman po. Ginagawan lang namin ng paraan 'yong mga sumakay dito kasi siyempre may pera sila dito sa amin," ani Noble.

Sa kabila nito, wala pa ring nagawa ang Dimple Star nang paalisin at palipatin sa Cubao Bus Terminal ang bus.

Tuluyan na ring hindi magagamit ng Dimple Star ang kanilang puwesto simula Lunes dahil nakasaad sa naunang sulat ng Quezon City Business Permit and Licensing Office na tuluyan nang ipasasara ang garahe ng bus company kung lalabag pa rin sila sa mga tuntunin. 

Paliwanag ng MMDA, tahasang pagsuway sa kanilang utos ang ginawa ng Dimple Star kaya permanent closure ang parusang ipapataw.

"It's a clear open defiance of the order na 'sinerve' sa kanila kahapon. Nag-commit na ang QC BPLO na isasara na sila for permanent closure. Babakuran na sila, babakalan with the police power," ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA.

Pinag-aaralan na rin ng MMDA na irekomenda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagpapakansela ng prangkisa ng lumabag na bus company. 

Bukod sa illegal terminals na sanhi ng pagsisikip ng lansangan, aminado ang mga enforcer ng MMDA na problema pa rin ang mga bus na lumalabag sa 'nose-in, nose-out policy' na madalas na nagiging sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Magsasagawa na rin ang MMDA ng operasyon kontra ilegal na terminal at mga pasaway na bus sa Pasay City. 

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.