'Basag-kotse gang', tumangay ng P40,000 halaga ng gadgets

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 07:44 PM

Nahuli sa CCTV ang pag-atake ng 'basag-kotse gang' kung saan nabiktima ang tenant ng isang arcade sa Brgy. Holy Spirit sa Quezon City kagabi.
 
Nagkalat ang mga basag na salamin ng unahang passenger side ng sasakyan ng anak ng psychiatrist na si Dr. Bernadette Arcena.

Natangay ang mga gadget na nagkakahalaga ng P40,000 at bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento.

Sa kuha ng CCTV, ipinarada ng anak ni Arcena ang puting kotse sa tapat ng Don Antonio Arcade pasado 9:20 ng gabi.

Makikita naman ang lalaking naka-itim na t-shirt at naka-shorts na walong beses nagpabalik-balik at tila nagmamatyag sa nakaparadang kotse.

Maya-maya, naaninag sa video na iniilawan niya ng flashlight ang kotse. 

Makalipas pa ang ilang minuto, dumaan ang isang motorsiklo at pumarada di kalayuan sa kotse. Bumaba ang naka-itim na t-shirt saka lumapit sa kotse at sinilip muli ang loob gamit ang flashlight.

Habang nagmamanman ang lalaki, umikot ang motorsiklo saka pumarada sa mismong unahan ng kotse.

Doon na binasag ng naka-itim na t-shirt ang salamin.

Nang lumipat sa likod ng kotse ang look-out na nakamotorsiklo, itinulak niya ang salamin, nag-dive sa loob at mabilis na kinuha ang bag saka umangkas sa motorsiklo papunta sa direksiyon ng Commonwealth Avenue.

Dismayado si Arcena sa kakulangan ng seguridad sa lugar kung saan tenant ang kanyang anak.

Aminado naman si Kagawad Jomar Lagarto na kulang talaga sila sa tauhan na magbabantay sa lugar.

Ayon pa sa barangay, ginagawang shortcut ang kanilang lugar kaya kadalasa'y hindi taga-roon ang mga suspek.

Sa tala ng Brgy. Holy Spirit, ikaapat na insidente na ito ng ‘basag-kotse’ ngayong taon.

Isusumite na ni Arcena ang kopya ng CCTV sa pulisya habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.