19 na IED narekober sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 08:00 PM

Photo courtesy of the Philippine Army's 8th Infantry Division

CATBALOGAN CITY, Samar - Narekober ng mga sundalo ang aabot sa 19 na improvised explosive device sa Barangay Guirang, bayan ng Basey nitong linggo.

Ayon sa impormasyon mula sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, nagsasagawa ng strike operation ang mga sundalo ng 801st Infantry Brigade at 87th Infantry Battalion nang may magsumbong na residente sa kinalalagyan ng mga nasabing IEDs. 

Agad itong nakumpirma ng mga sundalo.

Base sa impormasyon, hinihinalang gagamitin ito ng mga rebeldeng New People’s Army sa iba’t-ibang operasyon upang magdulot ng alarma at makakuha ng atensiyon ng pamahalaan bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 24.

Kinondena naman ng pamunuan ng 8th Infantry Division ang umano'y paggawa ng mga rebelde ng mga bomba na isang paglabag sa International Humanitarian Law.

Pinasalamatan naman ng militar ang mga residente dahil sa pagbibigay ng impormasyon upang makuha ang nasabing mga IEDs.

Nauna nang sinuspinde ng gobyerno ang pakikipag-usap sa mga rebelde tungo sa kapayapaan dahil sa patuloy na pag-atake ng mga ito sa mga pulis at sundalo sa gitna ng negosasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.